Anggulong patagilid sa kaliwa ng isang nakayukong matandang lalaki na naka-pormal na kasuotan: naka polo shirt na kulay metal at kagaya ng kulay ng balat nito ay kayumanggi rin ang kulay ng pantalon at malinis ang gupit ng buhok ang nakapaning sa nakakakita ng larawan. Hanggang tuhod lang ang kita sa larawan pero masisiguro na naglalakad ito dahil sa nakaambang hakbang. Pinaghalong guhit ng pagod at nakangusong bibig na nakasimangot ang makikita sa mukha ng matanda habang nakahawak mula sa likod ang isa niyang kamay sa halos buto’t balat at kulubot niyang braso. May naka-ikot sa kanyang leeg na tila kulay metal ngunit hindi ito masyadong pansinin dahil halos kasing kulay ito ng polong kanyang suot at natatabunan ng anino ng kanyang mukha. Sa likod ng lalaking ito ay may pader na hindi maayos at patsi-patsi ang pagkakapinta ng kulay na kasingkatulad ng dugo. Mas konsentrado ang kulay ng dugo sa likuran ng matandang lalaki. Nakasulat sa pader na ito ang malaking kulay puting salita na “Coca Co.” Sa ilalim nito ay may maliit na nakasulat sa parehas na kulay na salitang “REG PHIL.” Matalas ang dulo ng unang letrang “C” sa pader na halos nakadikit na sa matanda ang dulo ng talas at ang hakbang naman ng matanda ay papunta rito. Ipinapakita ng sining kung paano abusuhin ng mga kapitalista ang sipag na taglay ni “Mang Juan.” Dahil gipit si “Mang Juan,” kailangan niya magsipag at maghanap buhay para may maihain sa hapag. Dahil kailangan ni “Mang Juan ng pera kahit na kapit sa patalim ito ay kanyang papatusin na siya namang isang nakitang oportunidad ng mga kapitalistang hayok sa pera.
0 Comments