Kanluran Road, VCMTC Dormitory

Los Baños, Laguna

Setyembre 11, 2023

 

Mahal naming Ka Tet,

            Maalab na pagbati!

            Napakaganda ng iyong pagkakasulat sa iyong artikulo. Halos mangiyak-ngiyak pa nga ako sa ibang parte ng iyong paglalahad sa mga karanasan mo kaugnay ng Batas Militar; pakiramdam ko ay kasama mo rin ako sa mga panahon pinagdadaanan mo ang iyong inilalahad. Nakakamangha na imbis labanan ang dahas ng isa pang dahas ay mas pinili niyo na gamitin ang datos bilang armas sa pakikibaka. Nakakamangha rin kung paano niyo ituring ang isa’t-isa bilang magkakapantay noong panahon. Ngunit nakakalungkot dahil sa panahon ko ngayon, laganap ang paggamit ng Ma’am, Sir at Po. Ang iba pa nga sa ating kapwa ay nagagalit kapag hindi natatawag sa parangal na nais nilang matawag. Ang tingin nila, pag hindi sila natawag ng Ma’am, Sir, o Doktor ay isa na itong pangbabastos sa nakamkam nila sa buhay. Pero kagaya niyo, Ka Tet, hindi rin ako nawawalan ng pag-asa na maibabalik ang kultura ng pagkakapantay-pantay at collegiality sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon. Lagi’t-lagi, mayroong boses na mangingibaw sigaw ang mapagpalayang kultura hindi lang para sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit para sa bayan nating minamahal.

 

            Ka Tet, nakakalungkot dahil taong-bayan mismo ang nagbalik ng pwersang pilit niyong ipinabagsak noon. Nakakatakot na baka maulit na naman ang nakaraan at magbalik muli ang Batas Militar na siyang kumitil sa buhay ng ilang kabataan na tumindig noon. Ang titser ko sa Historya na si Mr. Marlon Jamir noong Junior High School ay isa sa mga taong tumindig upang paalisin sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos. Sa edad na 14-anyos, minulat niya kami sa dahas na dulot ng Batas Militar. Sa loob ng isang lingo, araw-araw may bagong pelikula siyang ipinapanood sa amin gaya ng, “Sister Stella L.,” at “Dekada ’70.” Itinatak niya sa isip namin ang mga hindi makataong gawain sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Sr. Dahil rin sa social media, nakakabasa ako ng mga artikulo na nagbabalik tanaw sa buhay ng mga magigiting na batang lider na siyang napaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos. Isa sa mga nabasa ko ay si Liliosa Hilao na brutal na pinatay at hindi makatarungang dinakip ng mga sundalo sa kanilang sariling bahay. Si Hilao ay labis na pinahirapan at inabuso. Pinalabas sa publiko na pinatay niya ang sarili niya matapos uminom ng muriatic acid, ngunit hindi bulag ang mamamayan at kita sa katawan na siya ay inabuso bago pinatahimik. Noong panahon ng Batas Militar, masyadong niyurakan ng diktador na si Marcos ang pagkatao ng mga Pilipino. Mga may kaya at nasa itaas lamang ang nakikinabang sa kapangyarihang dulot ng Batas Militar at ang mga naghihirap ay lalo pang humihirap. Hindi kailanman uunlad ang bansang pinamumunuan ng taong nayuko sa pera at kapangyarihan. Hindi na dapat maulit pang muli ang nakaraang pilit nilabanan.

 

            Maraming salamat sa iyong oras na ginugol upang basahin ang liham na ito, Ka Tet.

 

             

Lubos na Gumagalang,

Alexis Danielle G. Aguinaldo